Ang Paglalakbay sa Dagat ng Buhay ng Isang Tagapagtanggol

Ito ako habang sanggol pa lamang.
Dalawang minuto pagkalipas ng hatinggabi noong Oktubre 23, 1995 ay naisilang ako sa mundong ito. Siyempre hindi ito mangyayari kung wala ang aking mga magulang na sina Febes Patulayin-Roxas at Ramon Ariel Vidal-Roxas. Sa pagkakataong iyon ay ako ang nagging kanilang pangalawang anak kasunod ng ate kong si Mary Genalyn. Lubos na nahirapan sa panganganak ang aking mahal na ina dahil ako ay suhi. Kung ang normal na pagluluwal ng sanggol ay ulo ang unang lumalabas, ang sa suhi naman ay paa o ang hita ang unang lumalabas. Ayon sa doctor, sumabit ang aking leeg sa pusod ko kaya ganoon na lamang ang hirap ng aking minamahal na ina. Kaya naman paglabas  ko ay hindi ako humihinga. Salamat na lang sa anghel na binulungan ang isang mabuting nars na imouth-to-mouth rescucitation ako at sa doctor na hindi napagod na paluin ako hanggang umiyak ako. Dahil sa pangyayaring ito kaya masasabi kong ikalawang buhay ko na ito.
Ito ang pagdiriwang ko nang
ikalawang kaarawan sa Las Piñas
kasama ang aking Inay.

            Batay sa aking memorya, katagalan ng aking pagkabata ay ginugol ko sa probinsya ng inay ko, sa magandang bayan ng San Antonio, Quezon. Pero may ilang taong din akong nasa Las Piñas kung saan naman nakatira ang ama ko. Sa Las Piñas ko natanggap ang mga unang aralin sa buhay kung saan ako ay pumasok sa Sto. Niño Eucharistia Academy (SNEA). Dito ako nakatagpo ng una kong mga kaibigan. Sa paaralan ding ito unang kong naipamalas ang aking kahinaan at kagalingan. Sa edad na apat ay marunong na akong bumasa at magsulat. Dito rin sa akademyang ito namulat ang aking isip sa mga turong Kristiyano na siyang nagging pundasyon ng aking pananampalataya.



Ito ako noong tatlong
gulang pa lamang kasama
ang aking laruan na
si Garfield sa San Antonio.
      Matapos ang aking pamamalagi sa siyudad ay lumipat naman kami sa 369 Brgy. Pulo, San Antonio, Quezon. Napagpasyahan ng aking mga magulang na ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa Mababang Paaralan ng Pury na matatagpuan ilang metro mula sa aming bahay. Ipinasok nila ako bilang preschooler sa nasabing paaralan sa ilalim ni Bb. Evelyn de Castro. Pero dahil marunong na akong magbasa at magsulat, ipinayo niya na ilipat na ako sa Grade 1 Seksyon B. Pero dahil nga nakakabasa at nakakapagsulat na ako ay inilipat ako sa Seksyon A. Kaya sa loob ng isang araw ay talong guro ang agad kong nakilala at isa pa, sa edad na 5 taon ay isa ako sa mga naging pinakabatang estudyante sa batch namin.

            Ang buhay ko noong elementarya ay sadyaang napakasaya. Malaya akong nagtatatakbo sa playground at kumakain ng kahit anong maibigan kong pagkain. Nakasama nga ako sa mga batang kailangang painumin ng gatas isang beses isang araw. Pero hindi ito masyadong nakatulong dahil kapag gatas na puti ang rasyon ay tinatapon ko lang ito. Pero kapag tsokolate ang flavor ng gatas ay dalawa ang kinukuha ko. Hindi kasi ako mahilig sa gatas kaya siguro ganito ako kapandak.

            Nakakasali din naman ako sa mga co-curricular activities gaya ng United Nations, Quiz Bee, Mathraton, Nutri-Jingle, Sabayang Pagbigkas, Choir, at Flute Band. Gustung-gusto ko ang lahat ng mga ito. Katulad na lamang ng United Nations kung saan nakamit ko ang ikatlong puwesto sa “Best in Costume” na suot-Hawaii noong nasa unang baitang at ang unang puwesto sa nasabing kategorya sa pormang-Espanyol noong ako ay nasa ikatlong baitang. Mahal na mahal ko din ang mga quiz bees dahil dito ko nakamit ang iba’t ibang tagumpay na hindi ko akalain ay maaabot ko. Ah, ang Sabayang Pagbigkas kung saan nakilala ko ang isa sa mga mahuhusay na guro sa larangang ito, si Gng. Yolanda Valbuena. Isa pa sa mga hindi ko makakalimutan ay ang Mathraton ko noong ako ay nasa ikalimang baitang. Ito ay nakatuon lang lahat sa decimals. Isa ito sa mga malaking hamon sa buhay pag-aaral ko sa elementarya dahil hindi pa ako nakakalaban dito. Naging tagapagsanay ko pa ang isa sa mga “tigre” ng paaralan. Sa patimpalak na ito ay ako na sana ang magkakamit ng unang puwesto. Kung hindi nga lang napataas ang decimal point ko sa sagot ko. Kaya ayon, ako ang nagkamit ng ikatlong puwesto. Kasiyahan naman ang dala ng Nutri-Jingle sa buhay ko. Subukan mong isipin ang sarili mo na puro gulay ang nakakabit sa damit. Pero kahit ganito ay masaya ito dahil kapag may jingle ay may musika. Diyan papasok ang pagiging miyembro ko ng Flute Band. Nasa ikaapat na baiting ako ng nadiskubre ko ang isang bagong instrumentong world-class pero Pinoy na Pinoy, ang kingflute. Kami ang unang batch ng nasabing banda. Dumating ang isang babae at sinabi niya na kapag naisaulo naming ang kantang “Tanging Yaman” ay may regalo siyang ibibigay sa amin. Isa ito sa mga naging dahilan kaya puspusan ang pag-eensayo namin. Pero hindi na siya bumalik. Ngunit hindi naman kami nawalan, kami pa ang nadagdagan ng bagong kaalaman sa pagtugtog.

Ito ako matapos tanggapin
ang mga parangal noong
pagtatapos sa elementarya
kasama sina Inay at Ama.

            Pero estudyante din ako. Nasangkot na din ako sa iba’t ibang problema sa paaralan pero hindi naman ito iyong malalaking problema. Siguro hanggang kapabayaan lang. Isa pa nasanay na din ako na kapag tinatanong ng “Anong grade mo?” at sinagot ko ay magugulat sila at tutugon ng “Ang liit mong grade (kung ano mang baitang ako) !” Pero sa wakas at pagkatapos ng unang anim na taon ng pag-aaral ko ay nagtapos naman ako bilang balediktoryan ng aming paaralan. Sari-saring parangal ang aking natanggap pero ang isa na halos hindi masyadong tanggap ng aking kalooban ay ang Sports Awardee mula sa aming mayor dahil nakamit ko nga ito kaso nga lang ay hindi ako nakalaban ng chess kahit man lamang hanggang Zone Meet. Nakakainsulto lalo na kapag tinanong sa iyo na “Neng, anong nilabanan mo?” at wala kang maisagot.

            At dadako naman tayo sa ikalawang bahagi ng aking buhay, ang hayskul. Noong una ay nais kong pumasok sa Recto Memorial National High School sa Tiaong, Quezon dahil magiging kaklase ko ang mga dating kaklase ko noong elementarya. Pero napagisip-isip ko na humanap pa ng ibang paaralang maaaring pasukan. Sakto naman nang sinabi ng Tita Edith (Ma’am Lara) na mayroong Science Curriculum sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School sa Lungsod ng San Pablo kung saan siya nagtuturo. Sinubukan ko ang chance ko sa nasabing kurikulum ng nasabing paaralan. Kaya noong Pebrero 24, 2007, ganap na ikasampu ng umaga ay kumuha ako nga pagsusulit para sa nasabing kurikulum. Salamat naman sa Diyos at ako ay nakapasa. Kaya Hunyo ng nasabing taon ay doon na muna ako namalagi sa bahay ng Tita Edith.

Ito ang klase ng
I-Science matapos manalo ng
unang puwesto sa Ibong Adarna. 
            Noong unang araw ko sa paaralan ay kamalasan na agad ang inabot ko. Nabutas ang aking palamig na iniinom kaya nabasa ang aking pantalon at ang sahig na may floorwax. Naghanap ako kaagad ng basahan at narinig ko pa na sinabi ng isang guro sa pabirong himig ang “Kawawa ka naman, ate.” Hindi ko aakalain na ang gurong ito ang aming magiging gurong tagapayo, si Gng. Maria Shirley Montaña. Isa pa ay ang pagkakaroon ko ng unang tatlong kaibigan, si Julie Rose Mae Miguel, Jorgina Farouk, at Joy Fandiñio. Natatandaan ko din na ang una kong napansin ay si Bernadette Batoy dahil lubos akong nagandahan sa kanya. Medyo natatawa naman ako noong nakilala ko si Piwie Rejuso dahil akala ko ay lalaki ang katabi ko sa upuan dahil sa kanyang boses. Hindi ko rin makakalimutang ang kauna-unahan kong hinangaan noon na si Kim Azriel Ramos. Nakaramdam naman ako ng kaunting pagkainis kay Kevin Militante dahil lagi niyang pinagtatatawan ang aking punto ng pananalita na magkahalong Tagalog at sa Batangueño. Pagdating naman sa mga pagsusulit sa Math ay lagi na lamang akong bumabagsak dahil nabigla pa ako sa mga araling itinuturo sa amin. Dito ko naman nakilala si Criselda Malabanan at Krizelle Mae Guimba dahil hindi nagkakalayo ang aming mga marka. Dahil bibo sa klase kaya ko naman nakilala si Vladimir Calanasan Jr. na anak pala ng isang guro sa aming paaralan. Nakilala ko si Jimilyn Serrano dahil ang upuan niya ay nakahiwalay sa hanay ng mga babae. Si Norlan Dazo naman ang isa sa mga naging “kilabot” sa klase dahil sa kahusayan niya sa matematika kahit siya ay galing sa Seksyon A.

Ito ako kasama ang aking
mga kaklase na nagkamit ng
karangalan sa taunang
Recognition Day kasama ang
aming guro na si Gng. Montaña.
            Sa unang taon ko sa hayskul ay naranasan ko ang iba’t ibang exposure. Naka-duet ko si Sam Concepcion, gumanap bilang Ibong Adarna, nakasama sa iba’t ibang club at naging mas aktibo sa gawaing pampaaralan. Dahil dito ay nakamit ko ang unang karangalan sa pagtatapos ng taon kahit noong una ko pa lang tungtong sa paaralang iyon ay parang hindi ko na makakaya.

            Pagdating ko sa ikalawang taon ay nabigla ang buong klase nang lumipat nang paaralan si Kim patungong Cabuyao at ang pagbabago sa aming gurong tagapayo. Sa halip na si Gng. Luisa Bondad, siya ay pinalitan ni Bb. Nenet San Pedro, isang mahusay na guro sa Biology. Sa taon naming ito ay nagkaroon ng mas maraming ka-close na kaklase ko. Dito rin nabuo ang Skyblue Team na binubuo nina Juli Miguel, Milesa Funtanilla, Jorgina Farouk, Shidrex Gonzales, Ivan Alvaran at ako. Kami ang nagkampyon sa quiz bee sa asignatura ni Bb. San Pedro. Kaya nakatanggap kami ng body lotion, hand wash at singkwenta pesos na malutong. Kahit parang bata pero totoo, umiyak ako noong matalo ako sa Division Science Quiz Bee kahit ‘di dapat. At sa taon ding ito bumaba ang aking ranggo sa klase dahil pumangalawa na lamang ako kay Vladimir. Sa taon ding ito namulat ang aking isip sa tunay na mukha  ng pag-ibig dahil una kong naranasan ang tinatawag na brokenhearted. Hindi ko alam na mahal ko na pala ang taong iyon pero ayos lang dahil ipapaubaya ko na siya sa iba. At tsaka kahit saang anggulo tingnan ay hindi maaaring maging kami. Dahil sa pangyayaring ito, naging paborito kong kanta ang “Teardrops On My Guitar” ni Taylor Swift.



Ito ang klase ng III-Science
sa harap ng BIOTECH sa
Los Baños kasama si G. Ramon
Legaspi, guro sa Research I.

            At dumating na ang ikatlong taon ko sa hayskul. Dito nagsimula ang mas masidhi kong mga paghanga sa taong kabaligtad ng aking kasarian. Oo, nangyari na ito noong nakaraang mga taon pero kakaiba ang damdamin lalo na kapag nakakakilala ka pa ng ibang tao. Pero sabi ko nga ay hanggang paghanga lang ako kasi ayoko munang pumasok sa isang relasyon. Naaalala ko nang magka-crush ako sa isang fourth year student na nagngangalang John Marvin Maranan Cortez (sana hindi niya mabasa ito). Sari-saring paraan ang aking ginagawa para lang makita siya gaya ng pagpapagawa ng lettering para sa aking mga proyekto sa Araling Panlipunan sa ilalim ni Gng. Lynn Joaquin. Kahit sa kaunting pagkakalapit ay naging masaya na ako.Ganoon kababaw ang aking kasiyahan.  

            Sa taon ding ito nagkaroon ng bonding ang klase lalo na nang kami ay nagpunta sa U.P. Los Baños. At ‘di naglipat ng taon ay natutuhan ko din ang basics sa gitara sa tulong nina Kevin Militante, Norlan Dazo, Jael Mikko de Castro at Marizthel Alcantara. Siyempre ang unang inaral ko sa gitara ay ang “Teardrops On My Guitar”.

Ito ang klase ng IV-Science
bago magpakuha ng graduation
picture
 kasama sina Gng.

Rosette Banzuela, English Dept.
Coordinator at Gng. Rinia
Ilagan, Filipino Dept. Coordinator.
            Sa huling taon ko sa paaralang Dizon ay bumagsak ang bilang ng klase sa 25. Malungkot kami dahil walo ang nawala sa amin. Pero ipinagpatuloy pa rin namin ang pakikibaka sa hamon ng pag-aaral lalo na at huling taon na namin ito. At dahil sa fourth year na kami ay dumami naman ang mga gawain. Naririyan ang sari-saring proyekto, iba’t ibang ugali ng mga guro na dapat pakisamahan, mga deadlines, mga alitan ng iba’t ibang seksyon (wala sana tamaan schoolmates), at mga paligsahan na nauuwi naman sa tagumpay. Masaya ang buhay fourth year kaya nga lang ay malapit na kaming magkahiwahiwalay. Kaya naman bawat panahon ay sinusulit na namin habang kami ay magkakasama pa.

            Sa pagtatapos ng talambuhay na ito ay nawa maayos lahat ang alitan at mangibabaw ang kapayapaan sa bawat isa. Nawa ay makaraos tayo sa lahat ng problemang ating kakaharapin. Ito ay atin ding ipagpasalamat sa Maykapal dahil ito ay para rin sa ating ikatatatag ng ating isip, puso at kalooban. Pasalamatan natin ang lahat ng mga taong tumutulong sa atin at tutulong pa lang. Kaya para sa mga taong nakilala, minamahal at minahal, at pinapahalagahan ko at ako, ay lubos ang aking pagpapasalamat dahil bingyan niyo ng kulay ang buhay kong ito.

“To live is the rarest thing in the world. Most people exist, that is all.” - Oscar Wilde

Comments

Popular Posts