Bebebep and Bibibip Adventures: Pumice of the South


“Ah! Bakit ganito? Wala na akong mapag-eksperimentuhang mga tao. Sari-saring tao na ang nagawa ko, Homo sapiens-unggoyesis, Homo sapiens-asonansis, Homo sapiens-catus, Homo sapiens-kutokesis. Nakakainis! Kailangan ko pa ng mga bagong organismo.”
            Siya si PamBa, isang mad scientist na pinakikialamanan ang lahat ng bagay na nakatira sa lumang laboratoryo ng Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School sa Lunsod ng San Pablo. Kaya kapag talikuran, tinatawag siyang “PAMbansang BAboy” ng kanyang mga nakagalit. Sabagay totoo naman ito. Pero hindi na niya ito pinapansin dahil kagaya nga ng sinabi ko, mahilig niyang pakialamanan ang lahat ng bagay. Ibig sabihin, lahat ng mga taong nagalit sa kanya ay pinageksperimentuhan na niya. Kaya naubos ang mga tao. 

            Sa isang panig ng karagubatan, nagpupulong ang mga kampon ng ating kontrabida. Kung nagtataka kayo kung bakit “karagubatan” ang lugar ng mga kampon, ito ay dahil nagkaroon na ng tolerance ang mga kampon sa tubig at lupa. Siyempre, ito ay sa pamamagitan ni PamBa. Binago niya ang peptide bond sa RNA at ang chromosomes ng DNA. Kaya mahihinuha na iba’t ibang sakit ang meron sa mga ito. Hindi na pala sakit ito dahil para sa kanila ito ay normal.
            Kasalukuyan silang kinakausap ni PamBa. Nakalimutan ko nga pala silang ipakilala. Ang una ay si Mrs. Pops, kalahating tao at kalahating blowfish. Isa siyang napakalaking babae na may allergy sa utot ng kahit kanino man. Ikalawa ay si Barnacle Mon. Ipinanganak siya sa Olympus Mons kaya dito hinango ang pangalan niya. Ang specialty niya ay ang pag-ikot ng kanyang pupil nang 360°. Kasabay nito ay ang paggulong ng kanyang nag-iisang mata sa eye socket nito. Nangyari ito dahil nilagyan ni PamBa si Barnacle Mon ng isang bato mula sa Venus kaya ganoon na lamang ang pag-ikot nito. Ang pangatlo ay sina Pearl at Lilo. Sila ang pinakamagaling na Hawaiian dancer sa lugar nila na Mt. Krakatoa. Dahil sa Mt. Krakatoa sila nakatira, meron na rin silang tolerance sa magma at isa na rin ito sa kanilang mga kapangyarihan. At ang panghuli ay ang umaastang body guard nina Lilo at Pearl, si Bye. Si Bye ay taga-Sparta at isa sa mga anak ng kabet ng pamangkin ng pinsan ni Aristotle. Isa siyang matalinong nilalang kaya isa siya sa mga unang natanggap sa trabaho ni PamBa. Kung tutuusin, sa kanya natutunan ni PamBa ang mga basic principles sa Physics, Math at English. Kung wala si Bye, wala rin si PamBa. Ibig sabihin, kasalanan ni Bye kung bakit naging mad scientist si PamBa. Si Bye ay merong green na utak kaya mahal na mahal niya ang pagsunod kina Lilo at Pearl.
            Hawak ni Mrs. Pops ang telecellphone kung saan lumalabas ang bunganga ni PamBa. Katulad ng isang baboy, talsik-laway ito kung magsalita.
            “Mrs. Pops, kailangan ko ang tulong niyo.”
            “Ano iyon PamBa?” ang tanong ni Mrs. Pops habang kumakain ng mga pampataba, candy at asukal na gawa mula sa ionized na buhangin.
            “Magiging kidnapper kayo.”
            “Sino ang kakainin, este, kikidnappin?”
            “Ang mga pinakabatang tagapagmana ng planet Planetarium.”
            “Eh bakit hindi pa iyong nanay at  tatay?”
            “Hindi puwede! Masyado nang kulubot ang mga balat nila! Hindi na sila magandang gawing subspecies. At isa pa, semi-normal pa sila, magseselos lang kayo! Hahahaha! O ano, kaya niyo? Bibigyan ko kayo ng lahat na pangangailangan niyo. Is that a deal?”
            “Teka! Wala kaming sasakyang gagamitin?”
            “Ay oo nga pala. Gagamitin ninyo sa Megatron, iyong kotseng napulot ko sa America of States United. Pagtiyagaan niyo na lang. ‘Di ko pa nakukuha suweldo ko sa Department of Budget and Management at Commission on Audit.”
            Samantala sa planet Planetarium, nagkakagulo ang kaharian dahil nagkaroon ng super duper lubhang sakit ang mga tagabantay ng planeta, ang mga space ninjas. Nagkaroon sila ng sakit na tinatawag na polio-cancer syndrome. Dahil dito nagpatawag ang hari at reyna ng nasabing planeta ng isang pagpupulong sa mga nasasakupan nito.
            “Mga kaplaneta ko, kinakailangan ko ang inyong tulong,” ang panimula ni Haring Engeng. Si Haring Engeng ay dating space ninja kaya ganoon na lamang ang pagmamalasakit niya sa mga ito. Isa siyang kalbo at puno ng warts ang mukhang pinagaspang ng panahom.
            “Ong-ong-ong…” ang ulit ng kanyang ministro.
            “Isang krisis ang ating kinakaharap ngayon…”
            “On-on-on…”
            “Isang sakit ang kumakalat sa ating mga space ninjas…”
            “Jas-jas-jas…”
            “Ministro, pakitanggal ng echo, puwede ba?”
            “Ba-ba-ba… Ay,sige po Haring Engeng.”
            “Dahil sa sakit na ito maaaring mawalan tayo ng tagapagtanggol sa ating planeta,” ang pagpapatuloy ni Reyna Angang. Si Reyna Angang ang dating prinsesa ng Planetarium. Itinuturing siya bilang isa sa pinakamagandang alien/nilalang sa planeta nila. Lalo naman siyang pinapaganda ng buhok na gawa sa panis na pasta. Hindi ko nga alam kung paano niya nagustuhan si Haring Engeng. Pero maliban sa isang dahilan. Unique para sa kanya ang mga lalaking nagsusuot ng pustiso at brief sa ibabaw ng shorts.
            “Kung gayon ay ipatawag ang pinakamagaling na mediko bg Planetarium,” ang mungkahi ng ministro.
            “O sige. Mediko Tranquilo! Naririyan ka ba?”
            Isang matandang kurkubado ang biglang sumulpot sakay ng isang wheelchair na may turbo na nagsisilbing accelerator nito. Pero sa kabila nito, ang kanyang boses ay hindi nagbabago na katulad ng isang robot na palaka.
            “Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Mahal na Reyna?” ang pagsisimula ng mediko.
            “May nalalaman ka bang gamot para sa polio-cancer syndrome?”
            Nagisip-isip muna sumandali ang mediko tsaka nagpatuloy.
            “Meron po. Ayon sa aking pag-aaral sa Harvard-Yale University sa Recto, ang maaaring gamot dito ay isang bato na tinatawag na Pumice of the South. Nasa kailaliman ito ng Amazon River sa Brazil. Ngunit meron itong mga robot na piranha kaya kakailanganin ang isang uranium-coated suit.”
            “Pero sino ang papupuntahin natin sa planetang Earth?” ang biglang naitanong ng ministro.
            “Kung ako ang papipiliin, ang maaaring ipadala sa Earth ay sina Bebebep at Bibibip,” ang tugon ng mediko.
            Sina Bebebep at Bibibip ang nag-iisang kambal ng hari at reyna.
            “Hindi puwede! Mga anak ko sila at masyado pa silang bata,” ang pakli ni Reyna Angang.
            “Pakinggan ninyo po ako Aking Kamahalan. Hindi na po makakaya ng mga pagal naming katawan ang isang adventure. Baka ikamatay pa naming ito dahil sobrang tanda na namin. Tanging ang batang henerasyon ang makagagawa nito gaya ng inyong mga anak,” ang paliwanag ni Mediko Tranquilo.
            “Iyong mga anak nila. Hindi ba sila puwede?”
            “Sa nakikita ko, mas nakalalamang ang mga anak ninyo pagdating sa katalinuhan at diskarte. Kaya na nilang makapag-isa.”
            “Kung magkakagayon, puwede mo ba silang samahan sa kanilang misyon?” ang nakikiusap na tanong ng hari.
            “Ikinalulugod ko po kung ganoon,” ani ni Mediko Tranquilo.
            “Kung magkakagayon, tatawagin ko na sina Bebebep at Bibibip,” ang sabi ni Reyna Angang at siya ay pumasok sa isang pintong puno nang laser. Pagkalipas ng limang minuto ay kasama na ng reyna sina Bebebep at Bibibip. Katulad ng mga magulang, semi-normal sila. Ang kanilang tenga ay gawa mula sa stethoscope, ang mga mata ay mula sa microscope. Ang kanilang bibig ay parang sa tao. Wala nga lang silang ilong kaya ito ang kahinaan nila.
            Inihatid na ng hari at reyna ang tatlo sa sasakyan nilang si Optimus Prime at ibinigay na rin sa kanila ang uranium-coated suit. Pinabaunan naman ni Hari Engeng si Mediko Tranquilo ng isang hydrogen cell-powered camera na konektado sa LED screen ng planeta.

            Balik naman tayo sa Earth. Kasalukuyang nasa laboratoryo niya si PamBa nang matimbrehan niya ang pagpunta nina Bebebep at Bibibip kasama ang kurkubadong mediko sa Brazil. Dahil dito ay patakbo niyang tinungo ang telecellphone na kasinlaki ng mukha niya.
            “Pops?!”
            “Hello, honey? This is Barnacle Mon. How are you? Are you hungry?” ang malanding tanong ni Barnacle Mon.
            “Yakee! ‘Di tayo talo! Nasaan si Pops?”
            “Hmpp, suplado! O eto na!”
            “”Hello PamBa. Bakit?” ang sabad ni Mrs. Pops habang ngumangata ng nganga na minana pa niya sa lola niya.
            “Pupunta sina Bebebep at Bibibip kasama ang mediko nila sa Brazil. Hindi ko nga lang alam kung bakit.”
            “Baka makikisayaw sa festival. So, ano ang plano?”
            “Puntahan ninyo at kidnappin ang mga bata. Nandiyan na si Me—“
            “Shut up! Nakasakay na kami.”

            Habang nasa loob ni Megatron, sari-saring problema ang nararanasan nina Mrs. Pops. Si Mrs. Pops ang naatasan na magmaneho ng sasakyan. Pero dahil sa kalakihan ng katawan ay hindi na niya maigalaw ang manibela. Kaya napilitan sila na ipalit ang ulo ni Barnacle Mon bilang manibela upang kahit papaano ay umandar ito. Wala naming tigil sa pagsasayaw sina Lilo at Pearl kaya naman tuwang-tuwa si Bye. Wala itong masabi kundi “woo-woo”. Inakala ni Mrs. Pops na ito ay ang busina kaya ‘di niya sinisimulan ang pagpapatakbo ng sasakyan.

            Makalipas ang 9 lightyears, 6 hours, 3 minutes, 2 seconds at 0.001 milliseconds narating na din nina Bebebep, Bibibip at Mediko Tranquilo ang Brazil. Kasalukuyan na nilang binabagtas ang kahabaan ng Amazon River. Sa tulong ng hydrogen cell-powered camera, nahanap nila ang eksaktong lokasyon ng Pumice of the South. Daglian silang nagsuot ng uranium-coated suit at lumangoy sa kulay dark-yellow na tubig. Nagbigay ng payo si Mediko Tranquilo sa dalawang batang semi-normal.
            “Ang Pumice of the South ay kulay pula. Makikita ito sa pagitan ng mga rebulto nina Hitler at Mussolini.”
            “Susundin po naming ang payo niyo,” ang tugon ni Bebebep.
            Makalipas ang tatlong segundo, narating na nila ang riverbed at nakuha agad ang Pumice of the South. Nang sila ay aahon na, nakasalubong nila ang battalion ng mga piranha. Susugod na sana ang mga ito nang dumating ang pinuno nila, si Piranhari. Higit itong malaki kaysa sa kanila. Mas matikas ang tindig pero ang boses niya ay pabulong lamang na parang mamamatay na.
            “Sino kayo at ano ang ginagawa niyo dito sa kaharian ko?” ang mabalasik na tanong ni Piranhari.
            “Narito po kami upang kunin ang Pumice of the South,” tugon ni Bibibip.
            “Alam niyo ba na iyan ang pinagkukunan namin ng lakas?”
            “Pero kailangan naming ito sa ikagagaling ng aming space ninjas’” ang pakli ni Bebebep.
            “Space ninjas? Taga-saan ba kayo?”
            “Kami po ay nagmula sa planet Planetarium. Anak nina Haring Engeng at Reyna Angang,” ang sabi ni Bibibip.
            Biglang natahimik si Piranhari nang marinig ang pangalan ni Reyna Angang.
            “Si Angang ba ikamo? Sige ibibigay ko na iyan sa inyo.”
            “Maraming salamat po. Pero bakit? Ibig sabihin niyan manghihina kayo at mamatay,” ang sabi ni Mediko Tranquilo.
            “Ayos lang. Si Angang na ina ng mga bata ay siya kong dating kasintahan. Kaya marapat na ibigay ko ito sa kanya. At mabuti na din kung mamatay kami dahil matatanda na rin kami,” ang paliwanag ni Piranhari.
            “Maraming salamat po sa inyo. Utang po namin ito sa inyo,” ani ng mediko.
            At ang battalion ng piranha ay dagliang nawala at sila ay umahon na. Pero hindi nila alam kung ano ang naghihintay sa kanila sa ibabaw.

            “Kumusta, mga taga-Planetarium?” ang tanong ni Mrs. Pops sa tatlo at biglang binuhat ang tatlong.
            “Anong kailangan mo! Ibaba mo kami!” ang sigaw ni Bebebep.
            “Anong kailangang namin sa inyo? Wala. Pero si PamBa. Meron. Hahahaha!” ang tugon naman ni Bye.
            At sila ay mabilisang isinakay kay Megatron. Pero dahil sa katalinuhan ng kambal, ibinigay nila ang bato kay Mediko Tranquilo.
            “Mediko, dalhin na po ninyo itong bato at ibigay kay Ama. Tumakas na po kayo!” ang sigaw  ni Bibibip.
            “Pero paano kayo?” ang nababahalang tanong ng mediko.
            “Kaya na po namin ang sarili namin. Bilisan niyo na po,” ang tugon ni Bebebep.
            Dahil si Lilo ang may dala kay Mediko Tranquilo, madali itong nakawala at siya ay dagliang sumakay kay Optimus Prime na kasalukuyang nakikipagbuno na kay Megatron.

            Sa Planetarium, isang matandang gumagapang ang namataan ni Haring Engeng. Nang ito ay kanyang lapitan…
            “Mediko Tranquilo! Nasaan po sina Bibibip at Bebebep?” ang tanong ng hari.
            “Mahal na Hari, ipagpatawad po ninyo pero kinuha po sila ng kampon ni PamBa. Pinatakas lang po nila ako upang madala itong bato para sa mga space ninjas,”ang pagpapaliwanag ng mediko.
            Humahangos naman na dumating si Reyna Angang kasama ang ministro.
            “Nasaan ang mga anak ko?” ang tanong ng reyna.
            “Mahal ko, kinuha sila ng mga kampon ni PamBa,” ang tugon ni Hari Engeng.
            “Ano!? Bakit? Dapat silang maibalik dito sa Planetarium. Pero paano?”
            “Dala ko po ang Pumice of the South,” ang singit ni Mediko Tranquilo.
            “Alam ko na! Ipainom na natin ang bato sa space ninjas upang sila ang magligtas sa mga bata,” ang mungkahi ng ministro.
            “Magaling aking ministro. Bukas gagawin na kitang commander-in-chief ng mga space ninjas,” ang bulalas ni Haring Engeng,
            Dali-daling tinimpla ni Mediko Tranquilo ang Pumice of the South sa isang kaserola ng kumukulong green na tubig. Matapos nito ay pinainom na niya ito sa mga space ninjas. At hindi naglipat-minuto ay nanumbalik kaagad ang lakas at talas ng isip ng mga ito. Lumapit sa mahal na hari ang kasalukuyang pinuno ng space ninjas, si Ninja #00.
            “Mahal na hari, ano po ang magagawa namin para sa inyo?” ang nakakapangilabot na tanong ni Ninja #00.
            “Gusto kong iligtas ninyo ang aking mga anak sa kamay ni PamBa,” tugon ng hari.
            “Masusunod po, aking hari.”
            At mabilis pa sa isang kisapmata, tumalon na ang mga space ninjas papuntang Earth.

            Samantala, sa loob ni Megatron ay nagpipilit tumakas ang magkapatid. Pero hindi pumayag si Mrs. Pops na ganito ang mangyari.
            “Barnacle Mon, umutot ka!” ang utos ni Mrs. Pops.
            “Ano?! Hindi ko kaya. Bakit ba? Hindi ba allergic ka sa utot?” ang sagot ni Barnacle Mon.
            “Haharangan  ko ang pinto!”
            “Ok fine.”
            At nagpalabas  si Barnacle Mon ng isang utot na amoy panis na patis at bagoong samahan pa ng amoy ng sulfur. Dahil dito, biglang lumobo si Mrs. Pops kagaya ng isang blowfish at kanyang naharangan ang pinto ng sasakyan. Sukat nito ay naamoy nina Lilo, Pearl, Bye at Barnacle Mon ang ‘di kaaya-ayang amoy na ito. Ang nananatiling may ulirat sa kanila ay sina Bebebep at Bibibip at si Mrs. Pops. Pero ‘di inakala ni Mrs. Pops na maamoy din ito ni Megatron kaya ito ay biglang nahimatay at mabilis na bumulusok paibaba. Ngunit may natititrang swerte ang mga kontrabida dahil ito ay bumagsak sa tapat ng laboratoryo ni PamBa sa Dizon High.
            BAAAGG!
            Dali-daling lumabas si PamBa sa kanyang laboratoryo at nakita sina Barnacle Mon, Lilo, Pearl at Bye na knock-out sa loob ng ‘di makahingang si Megatron. Nakita rin niyang lumabas si Mrs. Pops bitbit ang mga bata.
            “Superb! Bibigyan kita ng kahati sa aking suweldo,” sabi ni PamBa kay Mrs. Pops.
            Kinuha niya ang dalawang bata at inihiga sa kanyang inaamag na operating bed. Nang hihiwain na niya ang dibdib ng mga bata ay biglang may pumigil sa kanyang mga kamay.

            “Kumusta na,PamBa?” ang sabi ng isang lalaki.
            “Sino ka? Hindi kita kilala! Umalis ka dito.” Ang tanging naitugon ng pinagpapawisang si PamBa.
            “Hindi mo na ba ako nakikilala?” At sukat nito ay tinanggal ng lalaki ang takip niya sa ulo.
            Hindi inaakala ni PamBa na minamasdan niya ang mukha ng kanyang dating kaaway.
            “Oo. Ako nga ito, si Crook. Pero hindi na iyon ang pangalan ko. Ako na si Ninja #00.”
            “Ano ang ginagawa mo dito?”
            “Ano pa kundi para iligtas ang aking mga amo. Kaya kung ayaw mong mamatay, sumuko ka na.”
            Dahil sa narinig ay tumakbo si PamBa sa isang elevator na sari-saring direksiyon ang maaaring puntahan. Pero bigla itong sumabog dahil nilagyan na ito ni Ninja #00 ng penultimate grenade.
            “Wala ka nang tatakbuhan, PamBa. Nakaposas na sina Pops gamit ang platinumtrilead wristband. Wala nang tutulong sa iyo.”
            Wala nang nagawa si PamBa kundi sumuko. Nasukol na ang kanyang mga kakampi. At napatunayan niya sa sarili niya na wala siyang kuwenta. Huli na nang maramdaman ang isang sibat sa kanyang likod at siya ay natumba.
            Kinuha ni Ninja #00 sina Bebebep at Bibibip at isinakay sa isang UV rays inspired-car mula sa Ford at dinala ang dalawang bata sa planet Planetarium kasama ng kanilang magulang at kaplaneta. 

Comments

Popular Posts