Lomi Sa Tag-init: Isang Liham
Tatlong linggo na rin simula ng
huli kaming nagkita-kita. Tatlong linggo na rin ang nagdaan ng muling
napagbigyan ang pananabik na makabalik sa sariling bayan. At tatlong linggo na
rin ang lumipas nang huli kong maramdaman ang kahalagahan mo sa buhay ko.
Kanina nga lamang ay nagkayayaan
kaming magkakaibigan na tumambay sa bahay nina Adrian. Nagkainan,
nagkamustahan. Sa medaling sabi, na-miss naming ang isa’t isa. Lima lang kami.
Ako, si Jean, Randolph, Erwin, at ang may-bahay, si Adrian. Masaya kahit hindi
ganoon karami. Masaya kahit kakaunti.
Dumating sa punto ng usapan ang
tungkol sa buhay-pag-ibig ko. Ayaw ko pa sanang magkwento. Pinilit nila ako.
Nagkwento ako pero hindi kita pinapangalanan. Kulang. Sino daw ikaw. Kung kilala
ka ba nila. Oo. Kilala ka nila, ang sabi ko. Pinagkaisip-isip ko kung sasabihin
ko nga ba sa kanila na ikaw yung napupusuan ko. Kaso, mayroon ba akong dahilan
para itago pa sa kanila kung sino ka? Wala. Dahil bigla ko na lang napagtanto,
nawawala na rin ang pagkagusto ko sa’yo. At sinabi ko na nga ang pangalan mo.
Payo dito, payo doon. Huwag daw akong maniwala sa’yo. Huwag daw akong papatol
sayo. Na hindi sila boto sa’yo para sa akin. Pinaniwalaan ko ang mga yon.
Pinanghawakan ko ang mga yon. Para sa akin. Para sa atin.
Hindi mo siguro eksaktong
natatandaan ang panahon o oras, o okasyon man lang na nagkakilala tayo. Choir
tayo sa simbahan at si Igiboy pa ang choir director nun. At hindi mo rin siguro
alam kung kelan nga ba tayo nagsimulang maging close. Christmas Party ng YFC
kina Ate Bebe. Pero alam ko na alam mo, na nung nagdaang bakasyon, Abril
hanggang Mayo, may namuong pagtitinginan sa ating dalawa. Huwag mong sabihing
ako lang ang nakakaramadam nun dahil kita ko sa mga mata mo ang saya kapag nagpapangita
tayo tuwing Linggo. Mas madalas tayong magkatabi sa mga upuan, at kahit
lumalayo ako, ikaw ang tumatabi. Ikaw ang humawak sa kanang kamay ko habang
kumakanta tayo ng Ama Namin. At tandang-tanda ko pa ang pakiramdam ng kamay ko
nun dahil sa mahigpit na pagkakahawak mo sa’kin. Ayaw mo pa akong bitawan.
Hindi mo man aminin, ramdam ko. Hindi mo man sabihin, alam ko. Masaya na
kakaiba. Kumbaga, hindi maipaliwanag. Basta ang alam ko, masaya ako, masaya ka
din.
Naaalala mo pa ba ang sinabi mo
sakin? Na kung magdedebut ako, ikaw yung magsasayaw sa akin na panghuli? Tanda
mo pa ba yung panloloko mo sa akin na ikaw ang katipan ko? At sinagot ko na
hindi kita katipan dahil hindi ka man lang nanliligaw. At yung mga alok mong
lomi sa’kin sa tuwing nagkikita tayo na hindi naman natutupad. Lahat ng yon
pinanghawakan ko. Nilagyan ko ng pakahulugan ang mga sinabi mo. Pero natuto na
ako, hindi na ako umasa na mangyayari lahat ng sinabi mo. At sinabi ko sa
sarili ko na hindi na muli ako maniniwala sa’yo.
Ang malas lang dahil hindi
kasinghaba ng limangdaang araw ang “summer” ko. Animnapu’t isang araw lang ang
bakasyon/summer break ko. At sa loob ng humigit-kumulang na pitong linggo,
nabibilang lang sa mga daliri sa paa at kamay ko ang pagkikita natin. Pero
masaya ako. Masaya ka rin. Masaya tayo pareho. Sa mga pagkikita nating yun,
naramdaman kong may nagmamahal na sa’kin bukod sa sarili kong kadugo.
Pero katulad ng halos lahat na
pagtitinginang nabuo sa panahon ng tag-init, nawawala rin ito kaagad. Seasonal
kumbaga. Nagpasukan. Pumasok ang tag-ulan. Malamig ang paligid. Ni ang mga
pakiramdam natin para sa isa’t isa, nanlamig na rin. Kung limangdaang araw lang
siguro ang tag-init, hindi sana tayo magkakaganito. O baka naman ako lang.
Hindi sana AKO magkakaganito. Pero wala akong magagawa dahil ito ang takbo ng
mundo. May pag-ibig na mamumukadkad sa gitna ng araw ngunit masisira lang sa
pagdating ng ulan.
May kaunting kirot sa pagsusulat
ko nito. Pero naiibsan na ito habang sinusulat ko na ang parteng ito ng sulat
ko. Tutal nakakailang buwan na rin simula ng mag-tag-ulan. Anong laban ng ilang
linggong tag-init sa kahabaan ng tag-ulan? Wala, kundi pagtanggap na hindi na
tayo babalik sa ganoong sitwasyon, dumating man ulit ang tag-araw. Dahil ako
mismo, wala na akong balak ulitin ang mga nangyari sa panahon na iyon. At
walang nakakaalam, baka makahanap rin ako ng taong sasamahan ako ngayong
tag-ulan.
Siyam na buwan. Maghihintay ako
ng siyam na buwan para tingnan kung may ibang kwento na ulit ang tag-araw ko.
Sana hindi na ikaw. Sapat na ang isang tag-araw para matuto at muling
magpatuloy sa takbo ng buhay ko.
Comments
Post a Comment