Level 2



 Paikot-ikot ang ballpen sa pagitan ng aking mga daliri. Ikot ng unang beses, pangalawa, pangatlo, pang-apat. Umabot sa ikalabindalawang ikot pero hindi pa rin malaman kung ano nga ba ang pumasok sa isip ko at lumaklak ako ng tatlong tasa ng kapeng barako kaninang maka-hapunan. Hindi pa rin malaman kung bakit wala na atang patutunguhan ang gabi-gabing pagpupuyat sa pagsusulit na tiyak namang pasang-awa lang. Hindi pa rin malaman kung bakit ba hindi ko laging malaman-laman ang mga kasagutan sa mga tanong na ibinabato ng buhay.

At bigla kang kumatok.

Natigilan ako…

Natulala…

Ang blangkong utak ay lumala at nagmistulang transparent na plastic na lamang…

Kumatok ka ulit. Dalawa, tatlo, apat na beses mo pang inulit ang nakakairitang porma ng paggalang. Lumapit ako sa pinto pero hindi ko binuksan. Muli, napatigil ako…

… at narinig ko mula sa kinatatayuan mo ang iyong mabigat na paghinga.

“Tumakbo ka? Bakit, umuulan ba sa labas?”

     “…”

“Anong problema?”

“…”

“…”

“…”

At ang katahimikang iyon ay lumawig pa sa sumunod na limang minuto. Pero makulit ako, pinilit pa rin kitang tinanong.

“Anong problema?”

“Buksan mo yung pinto.”

“Makikitulog ka?”

“Buksan mo yung pinto.”

Ramdam ko ang panginginig ng katawan mo sa kabila ng mahoganyng pinto na nagbubukod sa atin noong panahong iyon. Hindi kita natiis, pinagbuksan kita ng pinto. Hindi ko na ikinagulat ang sumunod na mga pangyayari: niyakap mo ako kahit basing-basa ka, at umiyak sa balikat ko na parang isang nawawalang batang nakatagpo sa kanyang balisang ina.

“Patawarin mo ako.”

“Ha? Bakit?”

At humagulgol ka pa lalo. Nadaig mo yung kakakatay naming aso na mahilig umalulong tuwing alas-tres ng medaling araw. Pero pinilit kitang patahanin. Pinilit kitang pakalmahin at sa awa ng Diyos, gayon nga ang ginawa mo. Umupo tayo sa tabi ng kama ng bigla mong hinawakan ang kamay ko.

Hindi ko yun inaasahan.

Nawala na nga ako sa tunay na mundo. Nakita ko ang panahong malayo, pero malabo. Ikaw at ako na nakatira sa kubong maaliwalas.

Nang bigla mo akong sinampal. Nagbalik ako ng wala sa oras. Pero pagtingin ko sa’yo, ibang mukha ang namasdan ko. Mas matanda, kulubot ang balat, usli ang mga mata. At bigla mo akong kinagat.

Nagising ako ng pangalawang beses. At sa pagkakataong iyon, nakatayo ako sa harapan ng pinto ko, walang ibang kaharap kundi ang tumutulong tubig-ulan mula sa alulod ng sirang bubong ng bahay ko.


Comments

Popular Posts