Noong Minahal Kita

Noong minahal kita,
hindi ko inasahan ang malaking pagkakaiba
ng ngayon sa nagdaang panahon.
Nung hindi ka pa sumusulpot sa sulok ng isipan ko,
ng puso ko,
ng diwa at kaluluwa ko.
Nung ako pa lang ang mag-isang nakatayo sa balkonahe ng bahay
tahimik na naghihintay sa lalaking matagal kong ipinagdarasal.
Noong minahal kita,
kabaligtaran na ng lahat
at ako'y naging masaya.

Noong minahal kita,
narating ko ang mga lugar na sa telebisyon ko lang nakikita,
sa magazine,
sa billboard,
sa patsa-patsang larawan ng karangyaan sa aking isipan.
Nagkaroon ng lakas na tahakin ang bagong landas
dahil alam ko,
nandito ka.
Nawala ang takot sa dibdib kong mawala
dahil alam ko,
sa huli,
ikaw ang aking makikita.

Pero noong minahal kita,
tsaka ko din narinig ang sabi-sabi nila.
Tsaka ako nagduda.
Tama ba?
Tama pa ba
o tama na?
Natuto ako ng sari-saring mura na handa kong sabihin
sa muli nating pagkikita:
Gago
Tanga
Walanghiya
Putang-ina
Tangina mo.
Oo.
Tangina mo.

Dahil noong minahal kita,
nagalit ang tatay ko nung isang gabing lumabas kami ng ate ko
para uminom
para makalimot sa sakit na binigay mo,
gago ka.
Kasi noong minahal kita,
naniwala ako na hindi masasaktan.
Parang bata na pilit hinahabol yung lumipad niyang lobo.
Nakikita
ngunit hindi niya makukuha.
Hanggang sa napagod na sa katatakbo
at tinanggap na lamang na wala na talaga
kahit na mahal pa rin niya.

Pero nagpapasalamat ako
dahil noong minahal kita,
natuto akong lumaban para sa sarili ko,
na para bang kahit anong bala ay iilagan ko
at siyang ibabalik sa'yo.
Oo, minahal kita
at dahil dun ay muling babangon
mula sa pagkasubasob
sa pagkakatapilok ko dahil sa'yo,
gago ka.
Wala na ang takot sa sakit na maaaring dumating
sumulpot ka man sa sulok ng isipan ko,
ng puso ko,
ng diwa at kaluluwa ko.
Magpakita ka mang nakatayo sa labas ng bahay ko
tahimik na naghihintay sa muli kong pag-"oo".
Dahil kabaligtaran na ulit ng lahat-lahat.

Hindi na kita mahal.

Putang-ina mo.

Comments

Post a Comment

Popular Posts