Pagkikita


Gregorio Agno Patulayin
( 9 Mayo 1926 - 12 Pebrero 2015)

Nakikita kita sa bawat punong nakatayo,
dahon ay iba-iba
gaya ng mga nakagawian mo sa buhay na nagdaan,
katangi-tangi, makulay, maganda.

Nakikita kita sa bawat kumpas ng maestrong
nakatayo sa harap ng orkestra,
isinasabuhay ang mga notang
sa papel ay tiniyagang isulat,
nilapatan ng musikang naglalarawan ng kahapong
kaysaya, kayganda, kaaya-aya.

Nakikita kita sa bawat gurong
nagsusulat sa pisara,
larawan mong guhit ang kanilang ginagaya.
At ako, nakaupo sa isang sulok
mataimtim na nakikinig sa iyong kasaysayang
masalimuot
datapwa't nakakawili, nakakagana.

Nakikita kita sa sulok ng altar,
tahimik na nakatayong kasama
ng paring minamahal.
Oscha ang iyong tangan,
mga katagang "Katawan ni Kristo" sa sambayana'y
naukit, tumalima, tumimo.

Malabo pa rin hanggang ngayon

Pero nakikita kita kasama ng Maykapal
masayang naglalaad sa paraisong
sa iyo'y pinangako Niya.

Mula diyan sa itaas,
ako'y nakikita mo,
ang iyong apo,
pinakamamahal na apo,
tumatangis, nagdurusam lumuluha.

Mamay ko,
Mamay ko,
sa muling pagkikita'y yakapin mo ako,
ang iyong apo,
pinakamamahal na apo,
sa iyo'y nagtatangi,
nagkakalinga...

Sa iyo'y
nagmamahal.


Comments

Popular Posts